Menu

Emergency Hotline: 0912-670-7777

Philippine Standard Time:

Catanduanes Government

Dahil sa mas pinaigting na pagbabantay sa pantalan at dalampasigan, 29 na Locally Stranded Individuals (LSIs) ang nahuli ng mga tauhan ng Catanduanes Provincial Border Control and Management Team (BCMT) at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO).

 

Siyam dito ay mga nagtangkang pumuslit sa Tabaco Port gamit ang kanilang pekeng COVID-19 test results at 20 naman ay nadakip dahil sa illegal entry sa dalampasigan ng dalawang barangay sa bayan ng San Andres.

 

Sa panayam kay Jose Marie Amaranto, team leader ng BCMT na nakadeploy sa Tabaco port, unang nahuli sa siyam na pasahero ay dalawang babaeng LSI na galing sa Laguna at dumating sa nasabing pantalan noong Mayo 11, 2021.

 

Nabuking sila na wala talagang swab results matapos tanungin ni Amaranto ang dalawa kung paano isinagawa sa kanila ang saliva test at ang sagot ay taliwas sa tamang proseso.

 

“I asked the passengers how the saliva test was conducted. Their answer was through inserting nasal swabs through their nose, which is incorrect,” sabi ni Amaranto.

 

“The procedure for saliva test requires collection of saliva in tube or sterile container rather than insertion of swab into the nostrils,” dagdag pa niya.

 

Kinabukasan, Mayo 12, apat katao naman ang nabisto matapos magprisenta ng pekeng swab test results.

 

Tatlo sa apat na nahuli ay nagmula sa NCR Plus at ang isa ay galing naman sa probinsiya ng Pangasinan.

 

Nadiskubre ng BCMT head na peke ang mga swab test result ng tatlo dahil pare-pareho ang mga specimen number nito.

 

Umamin naman ang tatlo na hindi talaga sila sumailalim sa COVID-19 testing.

 

Ang LSI na mula Pangasinan ay nabuking matapos magsumite ng scanned na kopya ng real-time reverse transcription polymerase reaction (RT-PCR) test result mula umano sa Philippine Red Cross (PRC) Molecular Biology ngunit ayon kay Amaranto ay hindi naman nagbibigay ng scanned copy ang nasabing laboratoryo bagkus orihinal na kopya mismo.

 

Noong Mayo rin, dalawang mag-ina kasama ang bagong panganak na sanggol ang nagtangkang pumuslit sa pantalan gamit din ang pekeng COVID-19 test result.

 

Sila ay parehong galing sa NCR plus. Napansin ng BCMT head na parehong-pareho ang impormasyong nakalagay sa swab test results nila at kalaunan ay umamin na pineke ang resulta dahil sa problemang pinansyal.

 

Illegal Entry

Samantala, noong Mayo 18, limang pasahero ang ilegal na tumawid patungong San Andres mula sa probinsya ng Albay ang nahuli ng MDRRMO personnel ng bayan.

 

Ayon sa ulat ng MDRRMO Head, Jeremy Zigmundo Manlangit, bandang alas-4:30 ng hapon ay nakatanggap siya ng ulat mula sa punong barangay ng Mayngaway na mayroong limang pasahero lulan ng bangka ang dumating sa dalampasigan sa nasambit na barangay.

 

Ang mga sangkot na LSI ay lahat nagmula sa NCR plus: dalawang babae mula sa Pasig City; isang lalaki at babae naman galing sa Quezon City; at isa mula Cavite City.

 

Ang mga nagmamaneho ng bangka ay kinilalang mga residente ng barangay Rawis, Virac.

 

Lahat naman ng pasahero ay may naipakitang negative swab test result ngunit ito ay ibeberipika pa kung totoo. Pero hindi sila nakapagparehistro sa S-PaSS o Safe, Swift, and Smart Passage at walang Travel Coordination Permit (TCP).

 

Matatandaang noong Mayo 03, epektibong ipinatupad ang Executive Order (EO) No. 14 series of 2021 na nilagdaan ni Governor Joseph Cua noong April 29 na nagtatalaga sa lahat na papasok at lalabas ng probinsya na magparehistro at gumawa ng S-PaSS account para makakuha ng TCP.

 

Nakasaad din sa EO na dapat orihinal na kopya ng negative RT-PCR/Antigen/Saliva Test results ang tatanggapin bilang isa sa mga requirement para makapasok sa probinsya. Ang negatibong resulta ng rapid anti-body test result ay hindi na tatanggapin.

 

Samantala, noong Mayo 25, sunod-sunod ang sulputan ng mga ilegal na pasahero sa pantalan naman ng Codon sa bayan pa rin ng San Andres, 15 ang nahuli, lahat residente ng bayan ng San Andres, at galing sila sa probinsya ng Camarines Sur upang dumalo umano sa kapiyestahan ng barangay Colongcogong.

 

Unang nahuli ng MDRRMO-San Andres ang tatlo sa 15, dumating sila bandang alas otso ng umaga lulan ng isang bangka.

 

Sumunod na dumating ang lima pang pasahero kasama ang isang menor de edad sa parehong pantalan bandang alas-4:30 ng hapon.

 

Huling dumaong ang pito pang pasahero bandang alas-7:30 ng gabi sa pantalan pa rin ng Codon.

 

Ang 15 katao na nahuli ay walang kaukulang dokumento katulad ng negative swab test results, TCP, at hindi rin rehistrado sa S-PaSS.

 

Lahat ng pasahero na nahuli sa illegal entry ay pinauwi rin ng MDRRMO sa kani-kanilang tahanan at susubaybayan ng kanilang Barangay Health Emergency Response Team.

 

Kasong Kriminal

Ang mga pasaherong nahuli sa illegal entry ay ipina-blotter na ng MDRRMO-San Andres sa himpilan ng pulisya.

 

Kinakaharap ng mga nadakip sa illegal entry ang paglabag sa Section 9 (Non-cooperation of persons and entities that should report and/or respond to notifiable disease or health events of public concern) ng Republic Act (RA) 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act.

 

Samantala, ang mga nameke ng COVID-19 test result ay kakaharapin ang kaso sa paglabag sa Article 172 (Falsification by Private Individuals and Used of Falsified documents) ng Revised Penal Code, at RA 11332 Section 1-B (tampering of records relating to notifiable diseases or health events of public health concern, which includes official medical test results or medical certificates or such other documents and records issued by public health authorities) na may multang aabot sa P20,000 pero hindi lalagpas sa P50,000 o pagkakakulong na hindi lalagpas sa isang buwan pero puwedeng umabot ng mahigit anim na buwan.

 



Tags:

This page is maintained by the Governor's Office - Information Unit