Menu

Emergency Hotline: 0912-670-7777

Philippine Standard Time:

Catanduanes Government

Para sa nalalapit na pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week, isinagawa ng Provincial Government ng Catanduanes sa pangunguna ng Department of Information Communication and Technology (DICT) at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang Poster Making competition na nilahukan ng mga Persons with Disability (PWD) mula sa iba’t ibang munisipyo ng probinsiya kahapon, June 23.

 

Binigyang diin ni Maribel Tomagan, PWD focal person ng PSWDO sa nasabing programa ang kahalagahan ng mga ganitong patimpalak para maipakita sa lahat ang taglay na talento ng mga PWD sa kabila ng kanilang kapansanan.

 

“Dakulang opportunity ini na maipakita ning mga PWD ang saindang talent,” saad ng PWD focal person sa kanyang closing remarks.

 

Pagdating sa kompetisyon, namayapag ang bayan ng Virac matapos nitong makuha ang unang gantimpla.

 

Ang kanilang pambato ay si Alessandra Guia Navero, nag-iisang babae sa mga kalahok, at may iniindang heart enlargement dahil may butas ang kanyang puso. Ngunit hindi ito naging balakid para maiguhit at mabigyang kulay niya ang kanyang obra na sumingkit sa unang puwesto.

 

Naiuwi naman ng Panganiban ang ikalawang gantimpala. Isang deaf and mute ang kanilang pambato na si Boyet Fernandez.

 

Ayon sa binatilyo, sa una kinabahan umano siya habang isinasagawa ang patimpalak pero kalaunan nakaisip siya ng konsepto na gumuhit ng tao, eroplano, at computer para sa kanyang poster.

 

Samantala, nasungkit naman ni Ivan Anton Tabo ang ikatlong puwesto na mula sa bayan ng Gigmoto.

 

Kahit nahihirapan gumalaw si Tabo dahil sa cerebral palsy, mariin niyang sinabi na katulad ng isang normal, kaya nilang mga PWD makipagsabayan sa iba sa tulong na rin ng teknolohiya.

 

“Kahit may kapansanan ka pa [hindi ito hadlang] dahil sa ngayon may assistance naman gamit ang computer [at makabagong teknolohiya], hindi ako natatakot makipagsabayan sa iba,” sambit ni Tabo.

 

Nakatanggap ng cash prize, sertipiko, at token ang tatlong kalahok. Samantala, ang nakasungkit sa unang puwesto ay ang kakatawan sa lalawigan sa poster making category sa virtual regional NDPR Week celebration na gaganapin sa darating na Hulyo, 2021.

 

Hindi lang poster making contest ang patimpalak na ilulunsad ng PSWDO para sa PWD bagkos mayroon ding singing contest, at photography contest.

Ang entries ng mga kalahok na mangagaling sa 11 na munisipyo ay ipapaskil sa official Facebook page ng PSWDO, at ang magwawaging kampeon sa bawat kategorya ay ang magiging pambato rin ng Catanduanes sa naturang regional NDPR Week celebration.

 

Samantala, dumalo rin sa programa si Provincial DICT Officer Engr. Norly A. Tabo, at maging ang presidente ng Catanduanes Provincial Federation of Persons with Disability.

 

Ngayong taon, ang tema ng nasabing poster making contest ay ‘ICT Enabling People: Onwards through ICT’ na ginanap sa 2nd floor ng DICT building sa San Isidro Village, Virac.

 

Ang NDPR Week ay ginaganap tuwing ikatlong linggo ng Hulyo alinsunod sa Proclamation No. 361 bilang paggunita sa kaarawan ni Apolinario Mabini tuwing Hulyo 23, na kilala sa tawag na ‘Dakilang Lumpo’.

 



Tags:

This page is maintained by the Governor's Office - Information Unit