Menu

Emergency Hotline: 0912-670-7777

Philippine Standard Time:

Catanduanes Government

Catanduanes ang kauna-unahang lalawigan sa buong bansa na makatatanggap ng genetically modified ‘golden rice’ mula sa Department of Agriculture – Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) sa susunod na taon.

 

Ito ang napag-usapan sa birtwal na pulong na ginanap sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan ng Catanduanes sa pangunguna ni Gov. Joseph C. Cua, mga opisyal ng DA-PhilRice at International Rice Research Institute (IRRI) nitong ika-04 ng Nobyembre 2021.

 

Kaugnay nito, positibo ang naging tugon ng gobernador sa proposal ng DA-PhilRice na gawing pilot province ang Catanduanes sa implementasyon ng Golden Rice project na makatutulong aniya sa probinsiya upang matugunan ang problema sa malnutrisyon.

 

“Isa sa sa mga problema namin [dito sa isla] ay kung paano ma[re]resolbahan ang malnutrisyon. So, we are happy that you [DA-PhilRice] has this program na talagang interesado kami,” malugod na pahayag ni Governor Cua sa harap ng mga opisyal ng DA-PhilRice at (IRRI).

 

“We will support the program and any assistance we can help i-coordinate lang po sa amin and we will provide,” paniniguro ng gobernador.

 

Layon ng programang ito ng DA-PhilRice na labanan ang Vitamin A deficiency at iba pang uri ng micronutrient deficiencies na kalimitang nagiging sanhi ng malnutrisyon sa bansa, partikular sa probinsiya ng Catanduanes na nakapagtala ng 19.2 porsyento sa child stunting ayon sa National Nutrition Council – Bicol noong 2020.

 

SUPORTANG LOKAL

Suportado rin ng mga Catandunganon ang Golden Rice project kung saan sa isang survey na kinomisyon ng DA-PhilRice, 89% sa 62 magsasaka na nakapanayam mula sa bayan ng Viga at Virac ay bukas sa pagtanim nito.

 

Samantala, 83% sa pitong market players ay positibo rin ang naging tugon sa pagbenta nito at halos lahat sa 121 consumer-respondents ay malugod ang naging tugon.

 

Maliban sa Catanduanes, anim pang probinsiya sa bansa ang kasali sa pilot-scale deployment areas ayon sa DA-PhilRice. Isang lalawigan din mula sa Luzon: Quirino, dalawa sa Visayas: Antique at Samar, at tatlong lalawigan naman sa Mindanao: Agusan Del Sur, Lanao Del Norte, at Maguindanao.

 

Base rin sa datos ng DA-PhilRice, isa ang Catanduanes sa mga tinatawag na deficit provinces sa bansa. Ibig sabihin aniya nito, kaunti ang kapasidad ng lalawigan na umani ng bigas na sasapat sa pangangailangan ng populasyon.

 

Umaabot lamang sa 27,019 metric tons aniya ang naaaning palay sa lalawigan mula sa 8,195 hectares na lupang taniman nito. Kung saan, ang average yield per hectare ay 3.03 tons lamang.

 

 

 

PROSESO NG BIOFORTIFICATION

Ayon kay Dr. Reynante L. Ordonio, Golden Rice project lead scientist ng PhilRice na ang proyekto ay isang biofortification process, kung saan tinataasan ang nutritional value ng isang crop.

 

Sa kaso aniya ng Golden Rice, kumuha ng genes sa mais at sa isang common soil bacterium ang mga Filipino scientists; inilagay ito sa binhi ng bigas para makapag-produce umano ito ng beta-carotene na kalaunay iko-convert upang maging Vitamin A at isang rason din upang maging golden yellow ang kulay nito.

 

“It is genetically modified and expected to be grown just like an ordinary rice. [In fact], research indicates that one cup of Golden Rice can provide 30% to 50%of the average requirement of an adult for vitamin A,” paliwanag ni Dr. Ordonio.

 

Binigyang-diin ni Dr. Ordonio na sumailalim sa seed certification ang Golden Rice sa National Seed Quality Control Services kagaya ng kumbensiyonal na binhi ng palay.

 

Pumasa rin umano ito sa pagsusuri ng tatlong food safety and health institutions gaya ng United States Food and Drug Administration (US-FDA), Health Canada, at Food Standards Australia New Zealand (FSANZ).

 

KAPANTAY NG CONVENTIONAL RICE SEED

Umaasa rin ang PhilRice official na ang presyo ng Golden Rice ay tatapat pa rin sa kumbensiyonal na uri ng mga palay.

 

Tungkol naman sa agronomic characteristic nito, parehong-pareho lamang aniya sa orihinal na variety. ‘Adaptive’ rin aniya ito sa iba’t ibang lugar na may iba-iba ang kapaligiran.

 

“Para mayroon ding choice ‘yung ating mga farmer kung ano ang itatanim nila, and basically iyon din ang nakaugalian nila na maganda ang ani at lasa,” paliwanag ni Dr. Ordonio

 

Kagaya ng kumbensiyonal na mga uri ng palay, ang Golden Rice ay pareho lamang ang paraan na gagamitin sa paglalagay ng abono at pesticide ng mga magsasaka.

 

Nilinaw rin ni Raul Boncodin ng IRRI na inbred variety ang Golden Rice. Kung kaya’t maaaring magtabi ang mga magsasaka ng kanilang binhi para sa susunod na taniman basta umano alam ng magsasaka ang tamang paraan ng pagpili ng binhi para mapanatili ang kalidad ng binhi.

 

Sa katunayan, Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa buong mundo na nag-apruba para sa commercial production ng Golden Rice. Pinangunahan mismo ni DA Sec. William Dar ang launching ceremony nitong Setyembre 2021 sa lalawigan ng Nueva Ecija.

 

“We are the first country to approve Golden Rice for commercialization. We aim to complement current interventions to address malnutrition among children and pregnant women due to vitamin deficiency,” pagmamalaki ng Agriculture Secretary.



Tags:

Boboy Cua Catanduanes Gov. Joseph C. Cua Governor Joseph Cua GovernorJosephCua HappyIsland
This page is maintained by the Governor's Office - Information Unit