Menu

Emergency Hotline: 0912-670-7777

Philippine Standard Time:

Catanduanes Government

Sa kaniyang mensahe matapos bigyang parangal at pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan (SP), inihayag ng bagong halal na presidente ng Catanduanes State University (CatSU) Dr. Patrick Alain T. Azanza na halos 100 ang bakanteng faculty position sa unibersidad, mahigit 200 estudyante naman ang planong bigyan ng libreng smart phone para sa online learning, at nabanggit din ang iba’t ibang plano na tutugon sa pangangailangan ng mga Catandunganon.

 

Ayon kay Dr. Azanza, nagulat umano siya sa unang araw ng kaniyang pag-upo nang madiskubre ang dami ng mga posisyong bakante ng mahabang panahon sa unibersidad.

 

“The university has 100 vacant faculty positions… for so many years and perhaps for several administrations. That for me was surprising,” saad ng bagong halal na CatSU president.

 

Bilang isang dating human resource practitioner sa University of the Philippines – Human Resource Development System, ang problemang ito aniya ay kailangan bigyan ng pansin sapagkat ito ay magbibigay pagkakataon sa mga Catandunganon na magkaroon ng trabaho at kumita.

 

“[The vacant position] is just like depriving the people of Catanduanes the potential income that our faculty members could have enjoyed,” paglilinaw ni Dr. Azanza.

 

Kaugnay nito, iniutos niya na kailangan mapunan ang mga posisyon sa pamamagitan ng promotion. Ang mga mababakanteng entry-level na posisyon ay ibibigay sa mga Catandunganon na kwalipikado at interesadong pumasok sa unibersidad, aniya.

 

Mariin niya ring pinanindigan na seryoso siya na buwagin ang ‘padrino system’ sa unibersidad dahil bubuo ng selection committee kung saan kwalipikasyon, at hindi ‘endorsement’ mula sa mga tao na nasa labas o loob ng unibersidad, ang magiging basehan upang makapasok ang isang aplikante.

 

“We would emphasize equal opportunity and meritocracy where qualifications, not the ‘padrino system’, will be the defining reason why they [applicants] will be hired,” mariing sinabi ni Dr. Asanza.

 

Mayroon ding plano si Dr. Azanza para sa mahigit 200 estudyante ng unibersidad na walang magamit na smart phone na isang rason upang hindi makasabay sa blended learning approach na ipinapatupad ng unibersidad.

 

May nangako umano sa kaniya mula sa ilang pribadong sektor na magbibigay ng mahigit 500 smart phones o tablets para sa estudyanteng lubos na nangangailangan.

 

Ngunit aniya sa mga nais mag-donate, huwag ibigay ang donasyon sa kaniya o kahit na sinong opisyal ng CatSU bagkus makipag-ugnayan lamang, at direktang ibigay ang tulong sa mga mag-aaral.

 

“Donate it to our students, make it legitimate. Lined up all the [target] recipients… take pictures, document it.. and it will become part of your corporate social responsibility program,” paliwanag ni Dr. Azanza.

 

Samantala, ukol naman sa matagal ng problema ng probinsiya sa suplay ng kuryente, nabanggit ni Dr. Azanza na makatutulong ang pananalisik na gagawin ng unibersidad ukol sa planong pagkakaroon ng solar power at windmill technology sa isla. Nakausap niya na umano ukol dito si Congressman Hector S. Sanchez.

 

Inilahad din ng bagong CatSU president ang mga kursong maaaring ialok na tutugon sa pangangailangan ng mga Catandunganon sa isla gaya ng maritime courses na angkop sa isang isla-probinsiya tulad ng Catanduanes.

 

Napapanahon na rin aniya na magkaroon ng College of Law sa CatSU dahil sa ngayon Bachelor of Arts in Political Science ang pangalawa sa may pinakamalaking enrolment na naitala. May plano rin ang CatSU na magkaroon ng radiology program at medical technology program.

 

Nais niya ring maging economic zone ang CatSU-Panganiban Campus, at mapabilang ang unibersidad sa QS World University Rankings, at makilala rin bilang isang akademikong institusyon na Center for Excellence na iginagawad ng Commission on Higher Education.

 

Samantala, pinasalamatan rin niya si Governor Joseph C. Cua, Vice-Governor Shirley A. Abundo, Congressman Hector S. Sanchez at TGP Representative Jose ‘Bong’ Teves Jr., at lahat na miyembro ng SP sa parangal na iginawad sa kaniya.

 

Ang natanggap na pagkilala ni Dr. Azanza mula sa SP ay batay sa Resolution No. 410-2021 o ‘Resolution Congratulating and Welcoming Dr. Patrick Alain T. Azanza as the New President of Catanduanes State University in the province of Catanduanes’ na iginawad sa regular na sesyon na ginanap sa SP Session Hall nitong Lunes, Hulyo 07.

 

Bago magtapos, hinimok niya rin ang mga naturang opisyal na suportahan ang mga proyekto at programa ng unibersidad para maitaguyod ito ng maayos na may malaking kapakinabangan aniya sa mga residente ng Catanduanes.

 

“We see ourselves as partner of yours in pushing development programs in the island, and we will do that,” pagtatapos ni Azanza.



Tags:

This page is maintained by the Governor's Office - Information Unit