Menu

Emergency Hotline: 0912-670-7777

Philippine Standard Time:

Catanduanes Government

‘Granular Lockdown’ ang naging tugon ni Governor Joseph C. Cua sa rekomendasyon ng Catanduanes Medical Society (CMS) na ipasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang probinsiya dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

 

Binigyang-diin ng gobernador na ang pagpapatupad ng ECQ ay isang hakbang na kailangan pag-isipan sapagkat maraming salik ang dapat isaalang-alang.

 

‘‘Maraming factors na kailangan i-consider, first ‘yung economic activity, at maging ang pondo [para sa ayudang ibibigay]. So, I suggest granular lockdown,’’ saad ni Gov. Cua.

 

Sa ilalim ng ‘granular lockdown’, ang mga lugar na maraming kaso lamang ang isasailalim sa lockdown hindi ang buong lalawigan, aniya.

 

Sa katunayan ayon sa gobernador, isa umano sa mga nakikita niyang problema kung bakit tumataas ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan ay ang hindi pagsunod ng mga residente sa health protocols na ipinapatupad.

 

Kaugnay nito, magpapatawag aniya ang gobernador ng pulong sa lahat na alkalde ng probinsiya para mahigpit na ipatupad ang minimum health standards sa bawat nasasakupan.

 

Isa umano sa dapat tutukan ng mga mayor ay ang mga pampublikong pamilihan sa kani-kanilang bayan dahil ito ay matataong lugar na mataas ang tyansa ng hawaan.

 

“Balikan natin ang basic health protocols para maiwasan ang hawaan, gaya na lamang ng pagsuot ng face mask at face shield, at physical distancing,” paalala ng gobernador sa mga Catandunganon.

 

Ang desisyon na ‘granular lockdown’ ay suportado rin ni Dr. Hazel Palmes, provincial health officer na kailangan umano isaalang-alang ang kapasidad ng bawat local government unit (LGU) kung kayang suportahan ang pangangailangan ng kanilang residente sakaling ipatupad ang total lockdown sa probinsiya.

 

“Titingnan din natin ‘yung kakayanan ng bawat LGU… if they were able to cater the economic needs of our constituents,” sambit ni Dr. Palmes.

 

“Gaya rin ng sinabi ni Gob, kailangan talaga ng monitoring on the compliance of the minimum public health standards…. para maiwasan ang transmission,” dagdag pa ng PHO officer.

 

Nasambit din ng gobernador ang plano ng Provincial Government na maglagay ng mga container van sa labas ng Eastern Bicol Medical Center na magsisilbing ekstensyon ng COVID-19 ward sakaling mapuno ang bed capacity ng mga hospital sa lalawigan.

 

Para rin mapabilis ang testing, nasa proseso na ayon kay Gov. Cua ang Provincial Government sa pagbili ng mga laboratory equipment para sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) testing.

 

 



Tags:

This page is maintained by the Governor's Office - Information Unit