Menu

Emergency Hotline: 0912-670-7777

Philippine Standard Time:

Catanduanes Government

AKTIBONG PAKIKIISA. Ito ang panawagan ni Department of the Interior and Local Government (DILG)- Provincial Director Uldarico Razal sa mga Local Government Units (LGUs) at mga barangay sa paggawa ng kanilang gampanin upang mas maging intensibo ang depensa ng Catanduanes kontra CoVid-19.

Iminungkahi ni Uldarico Razal, provincial director ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – Catanduanes ang mas episyenteng pangangasiwa sa mga local government units (LGUs) at Barangay Health Emergency Response Teams (BHERT).

Ito ay kaugnay ng patuloy na pagbabalik-probinsiya ng mga locally stranded individuals (LSIs) mula high-risk areas tulad ng Metro Manila.

Sa isinagawang pagpupulong ng mga miyembro ng Interagency Task Force (IATF) ng lalawigan, ipinahayag ni Razal na mas mainam na ilatag nang detalyado sa mga LGU ang kanilang mga gampanin upang maihanda sila kung sakaling may dadami pa ang kaso ng CoVId-19 sa Catanduanes.

“Magpasa ng specific actions para ma-guide yung munisipyo; maglabas ng mga directives up to barangay level to prepare lahat ng LGUs para sa possible na pag-authorize ng mass transport via land and air,” wika ni Razal.

Ayon kay Razal, hindi magiging epektibo kung mismong probinsiyal na pamahalaan ang mangunguna sa paghawak sa mga maitatalang kaso ng CoVid-19 dahil nasa “ground level” o sa barangay mismo ang suliranin, at mas mainam kung LGU ang mangunguna sa pangangasiwa sa mga ito.

Dinagdag naman ng DILG head na maghahain ng resolution ang task force na humihiling na palawigin ang paggamit sa ilang paaralan sa Catanduanes bilang quarantine facility kaugnay ng anunsiyo ng Department of Education (DepEd) na hanggang Hulyo 31 na lamang magsisilbing quarantine facilities ang mga paaralan sa probinsiya.

“For the meantime, baka pwedeng magpasa ng resolution sa Regional IATF, na yung mga schools sa far-flung areas, na hindi naman o di pa naman gagamitin this school year bilang quarantine facilities,” mungkahi ni Razal.

Maliban pa dito, binuksan din ni Razal ang ideyang isailalim sa reorientation ang LGUs at BHERT tungkol sa mga ordinansa at polisiyang kailangan nilang ipatupad, ilan sa mga ito ang striktong pag-obserba sa minimum health standards at pagbigay ng psychosocial support sa komunidad.

“Kailangan ng re-orientation. Magkaroon ng information campaign hanggang sa barangay level, para maging madali or matulungan ang mga tao na mag-adjust na sa mga recovered patients na babalik sa community,” paliwanag ni Razal.

Samantala, iminungkahi rin ni Engr. Gil Balmadrid ng Department of Public Works and Highways ang pag-require sa mga barangay na magkaroon ng inventory ng mga pasilidad at kabahayan na maaring magsilbing quarantine facilities.

“Magkaroon ng inventory ang barangays sa mga households na pwedeng mag-cater ng returnees for home quarantine,” ayon kay Balmadrid.

Sinang-ayunan naman ni Dr. Vietrez Abella, chief of hospital ng Eastern Bicol Medical Center ang pahayag na ito ni Engr. Balmadrid.

“Kailangan nung inventory para hindi pagdating nung umuwing LSIs, saka palang iinspeksyunin yung bahay if feasible siya,” wika ng doktora.

Samakatuwid, inihayag ni Razal na magiging intensibo lamang ang depensa ng probinsiya kontra CoVid-19 kung lahat, maging ang buong komunidad ay makikiisa sa labang ito.

“Mahirap kung tayo lang ang mag-e-effort, at ang community, walang participation. Kumbaga, dapat sa isahang galaw, lahat gagalaw,” pahayag ni Razal.



Tags:

Boboy Cua Catanduanes Cua Gov. Joseph C. Cua Governor Joseph Cua Happy Island Joseph Cua
This page is maintained by the Governor's Office - Information Unit