Menu

Emergency Hotline: 0912-670-7777

Philippine Standard Time:

Catanduanes Government

Marami ang nagbago dahil sa COVID-19 pandemic na nagresulta ng magkabilaang lockdowns at community quarantine at sa pagkasara ng maraming industriya, hindi lamang sa mga probinsya kundi maging kalakhang Luzon.

Ngunit kahit nalugi ang mga negosyante sa malawakan at mahigpit na lockdown, may nabuksan naman na oportunidad: ang pag-usbong ng industriya ng e-commerce. Ika nga ni Alexander Graham Bell, imbentor ng telepono, “When one door closes, a window opens.”

Nang dahil sa pangyayaring ito maraming mga negosyante ang sinubukang pasukin ang mundo ng food delivery services tulad sa mga dati nang tumatahak ng nasabing serbisyo tulad ng GrabFood, FoodPanda at Deliveroo.

Upang mas lalong mapahigpit o maiwasan ang paglalabas ng mga tao, binigyang pahintulot ng pamahalaan na makapag-operate ang iba’t ibang food delivery service sa bansa.Kaya naman sa dating 5.5% na penetration rate noong nakaraang taon ito’y tumaas dahil sa pagbabawal ng dine-in services sa mga kainan.

Pero hindi lang Metro Manila ang mayroong mga food delivery services, pati na rin ang munting isla probinsya ng Catanduanes.

 

Pag-usbong ng mga Online Deliversy Services

Paniguradong malaking dagok sa ekonomiya ng probinsya ang pagsasailalim sa community quarantine. Marami sa mga negosyo ang pansamantalang natigil dahil dito kaya naman ang ilan sa mga negosyo ay naisipang magpatuloy sa pamamagitan ng online delivery.

Naunang namataan na inilunsad ng Asuncion C. Cua Hypermart o mas kilala sa ACC Hypermart ang kanilang ACC Personal Shopper and Delivery Services noong ika-17 ng Mayo.

 

 

Ang ACC Hypermart ay isang malaking establishimento sa Virac kung saan may supermarket o grocery at department store sa loob nito.

“Even before the pandemic, plano na namin ang gumawa ng website at smartphone application; pero syempre mas accessible ang social media lalo na ang Facebook, kaya dito muna kame nagstart ng aming online delivery service – hindi lang  groceries ang offer namin kundi kung ano din ang makikita sa loob ng ACC building ay pwede namin i-deliver,” ayon kay Ms. Thea Cua

Sumunod naman ang Happy iMart na opisiyal na nailunsad noong Mayo 18, 2020. Nagsimula ang kanilang kwento nang ipatupad ang community quarantine sa kalakhang Luzon.

“Nung na-quarantine (kasi) kami sa Tabaco, ang hirap bumili ng pagkain, ang hirap magpabili, sabi ko, ano kayang puwedeng gawing solusyon dito?” ayon kay Mr. Anthony Robles, CEO ng Happy iMart.

Dahil sa karanasang ito, naisipan niyang bumuo ng isang simpleng smartphone application upang mapadali ang pagbili ng kanilang pangangailangan sa loob ng quarantine facility.

Matapos makabalik ng Catanduanes, nagsimula na siyang magtanong-tanong sa mga kaibigan kung magiging epektibo ba ang negosyong online delivery sa isla at doon siya nagsimulang gumawa ng smartphone application para sa online delivery service.

Sinimulan niya at iba pang mga kasosyo sa negosyo na purong Catandunganon ang pag-develop ng smartphone application nitong ika-25 Marso kasabay ang pagproseso ng mga papeles na kinakailangan upang makapagsimula sa ganitong uri ng negosyo. Sa kalagitnaan ng pagprosesong ito, nagsagawa sila ng simpleng dry-run, na kung saan si Robles at iba pang kasamahan sa negosyo ang mismong nag-deliver ng mga order tulad ni Mr. Ajah Aguilar na siyang Operations Manager ng Happy iMart.

Isa rin ang DeliVirac sa sumuong sa mundo ng online business sa probinsya na nagsimulang mag-operate noong ika-1 ng Hunyo at pinangungunahan ni Mr. Jessie Joson.    Maliban sa DeliVirac, si Joson din ang CEO ng Zekedulista, isang travel agency sa Catanduanes na layong mai-promote ang kagandahan ng isla.

Ayon kay Joson, “we were not able to operate as a travel agency, so we thought of creating a business that will cater the establishments/businesses in Virac or Catanduanes and offer services to the people… I really have a heart at Virac so whatever that I can do to help people we will try.”

Hindi direktang nagsimula sa food delivery services ang DeliVirac. Una itong nakilala bilang Deli, isang proyekto ni Joson na naglalayong matulungan ang iba’t ibang kainan sa probinsya sa pagkakaroon ng sarili nilang website; at isa sa pangunahing layunin ng proyekto ay upang mai-promote at maipakilala sa iba ang iba’t ibang lugar ang kanilang negosyo sa pamamagitan ng paggawa ng libreng website para sa mga ito.

Nagsimula ang naturang proyekto noong Marso, nang libre sa ilang kainan sa Virac. Dahil sa naging matagumpay ang nasabing proyekto, naisipan nilang gumawa ng platform kung saan kukunin at i-deliver ang mga in-order na pagkain.

Kaya naman noong unang na araw ng Hunyo, inilunsad na ng Zekedulista ang DeliVirac na may dalawang pa lamang na partner establishment. Ang pinagkaiba lamang ng DeliVirac sa Deli ay isa itong website at may smartphone application na kailangang puntahan at maaaring makapag-order sa kanilang iba’t-ibang partner establishments.

Serbisyong hatid ng mga ito

            Ang mga serbisyong hatid ng ACC Personal Shopper and Delivery Services ay makikita sa kanilang Facebook page o messenger. Kanilang tinatanggap ang orders tulad ng groceries, damit, at iba pang kagamitan na matatagpuan sa ACC.  Maaari din silang matawagan gamit ang cellphone sa kanilang hotline numbers.

Ang Happy iMart Food Ordering and Delivery services ay isa sa serbisyong binibigay ng Happy iMart na kung saan hindi mo na kailangan pang pumila at maghintay ng matagal sa mga paborito mong kainan. Habang ang iMart Grocer naman, bahala na ang rider na bumili sa groceries ng consumer at ide-deliver ito mismo ng rider sa bahay ng consumer.

Maliban sa mga nabanggit may nadagdag pang bagong mga serbisyo ang kanilang grupo tulad ng iMart Booze, na kung saan puwede kang mag-order ng mga premium brand ng alak at ide-deliver ito sa bahay ninyo mismo. At ikalawa naman ay ang iMart Express o iMart Papa Express kung saan maaari kang magbayad ng ano mang bills (Papa Bayad), mag-pick-up at ideliver sa inyong bahay (Papa Pickup at Papa Deliver) at iba pa.

 

Mayroong silang iba’t – ibang platform tulad ng website, Android application, Facebook o Messenger at sa pamamagitan ng pagtawag gamit ang cellphone kung saan ay maaaring mag-order ng inyong mga pangangailangan.

Online shopping services at food delivering services naman ang hatid ng DeliVirac para sa mga taga-isla na kung saan ay maaring umorder sa kanilang website, Facebook page o Messenger at smartphone application.

Available sa kanilang mga platform ang iba’t ibang produkto na makikita sa ilan sa mga kanilang partner establishments dito sa isla tulad ng grocery, mga prutas at mga medisina.

Mga pagsubok sa pagbibigay serbisyo

Isa sa kanilang pinagdadaanang pagsubok sa ngayon ay ang mabagal na koneksyon ng internet dito sa isla. Dahil online ang kanilang ginagamit na platform para sa kanilang serbisyo ay dapat mayroon din itong mabilis na internet connection upang matugunan ang lahat ng mga order na dumarating sa kanila.

“Malaking factor talaga ang internet connection… Buti nalang nasa Panganiban ako nung dinevelop ko ito, mabilis ang internet doon kumpara sa Virac…” ayon kay Robles ng Happy iMart.

Naikwento din ni Robles ang magkaibang reception ng mga local stores sa probinsya. Ayon sa kanya may mga stores na naging madali ang pagpapakilala at pag ingganyo ng nasabing application at meron din namang sa una ay naging pessimistic.


How to Order:

Order for later:
HAPPY iMART Booze:
For Partners:
“…[K]ulang sa staff because of the pandemic… of course we have to do a lot of stuff, work, on our end…” pahayag naman ni Joson ng DeliVirac. Ito ang isa sa kanilang hinaharap na problema at ang kakulangan din sa logistics o gamit na kinakailangan para sa kanilang serbisyo upang masigurong maihatid sa tamang oras ang kanilang mga deliveries.
“For now Virac, San Andres, Bato and San Miguel pa lang, pero we are still planning na kahit yung ibang munisipyo at maabot naming,” sabi ni Cua ng ACC.

‘Yan lamang ang ibang mga pagsubok na kanilang kailangan tugunan upang mas maging maayos at maganda ang kanilang serbisyo para sa mga Catandunganon.

SERBISYONG TOTOO

Bagamat nagiging maayos ang kanilang negosyo sila ay hindi titigil upang lalo pang pagandahin ang kanilang serbisyo.

Tulad na lamang ng ACC Personal Shopper and Delivery Services na balak pa ding magkaroon ng ibang platform tulad ng smartphone application at website. “Sinimulan muna namin with Facebook o messenger kasi ito yung pinakamabilis sa ngayon at marami ang naaabot nito pero we are still planning to put up a website and a smartphone application in the future,” ayon kay Ms. Thea Cua.

Dahil sa tagumpay ng Happy iMart at ang tulong na naibigay nito sa mga local stores sa probinsya, ang paggawa ng isang Mini-Mall gamit ang smartphone app ang gustong suongin ng Happy iMart kaya naman sila ay walang tigil ang pagkumbisi sa mga iba pang negosyo na maging partner establishment ng kanilang negosyo.

Marami pa silang ilulunsad na ibang features ng application tulad ng iMart Pharma, iMart Rewards, iMart Wallet at marami pang iba upang talagang matulungan nila ang isla sa “new normal” matapos ang pandemyang ito,

Gayundin ang DeliVirac na patuloy pa din sa paggawa ng mga pagbabago sa kanilang mga ibinibigay na serbisyo upang makatulong ito sa mga taga-isla. Kanilang plano din maabot ang lahat ng sulok ng Catanduanes sa mga darating na panahon.

PATULOY ANG SERBISYO

Iba’t iba man ang kanilang pangalan isa lamang ang kanilang layunin sa pagtatayo ng mga ganitong klase ng negosyo at ito ay ang makatulong sa mga taga-isla upang mapadali ang pagorder ng inyong mga pangangailangan ng hindi ka na kailangan lumabas ng bahay at pumila ng matagal, mabigyan ng trabaho ang mga ilang nawalan ng dahil sa pandemya sa pamamagitan ng pagiging rider at siyempre maipromote ang iba’t ibang negosyo na mayroon tayo sa isla.

Sa kabila ng pagkakaroon ng pandemya, makikita natin ang pagiging maparaan nating mga Catandunganon. Pinapatunayan lamang nito na hindi lamang tayo sa bagyo nagiging matatag kundi maging sa ano mang uri ng problema mapabagyo o pandemya man ito.



Tags:

ACC HYPERMART Boboy Cua Catanduanes Cua Governor Joseph Cua Happy IMart Joseph Cua
This page is maintained by the Governor's Office - Information Unit