Menu

Emergency Hotline: 0912-670-7777

Philippine Standard Time:

Catanduanes Government

ISKOLAR NA AKO.

ISKOLAR NA AKO. Taas-noong pinaalalahanan ni Catherine Tolentino ang kaniyang mga magulang na tumigil na pangungutang ng pera matapos niyang mapabilang sa pitong benepisyaryo ng Medicine and Law Scholarship Program ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes.

 

Tapos na ang mga araw ng pangungutang para sa mga magulang ni Catherine Tolentino, matapos niyang mapabilang sa pitong Catandunganon na napagkalooban ng limang taong scholarship ng programa ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes.

“Pa, Ma, tama na po ang pangungutang, scholar na ako,” taas-noong sinabi ni Catherine Tolentino sa kaniyang maikling mensahe nitong Hulyo 29, 2021, sa ginanap na Memorandum of Agreement Signing para sa mga bagong iskolar ng Catanduanes.

Ayon kay Tolentino, noong nalaman niya ang Catanduanes Medicine and Law Scholarship Program ng lokal na pamahalaan, nilkasan niya ang kaniyang loob na magpasa ng aplikasyon, kahit na para sa kaniya’y napaka-imposibleng matatanggap siya.

“Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa, muli kong nilakasan ko ang aking loob para sa pangarap, para sa aking kinabukasan,” ani Tolentino.

Sa kabilang banda, ibinahagi ng iskolar na hirap ang kaniyang pamilya sa paglikom ng pera para sa kaniyang tuition, lalo na’t nag-retiro na sa kaniya-kaniyang propesyon ang kaniyang mga magulang.

“Being raised in an averaged-income family, with both retired parents, napakahirap makabuo ng ipambabayad ng 6-digit tuition fee per semester ng aming paaralan,” banggit niya.

Binalikan din nito ang mga panahong kinailangan niyang magpadala ng promissory note sa kaniyang paaralan para lamang sa maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral.

“Naalala ko na kailangan kong magpadala ng promissory note sa admission officer or cashier para makapagtake ng prelims, midterms, at finals,” dagdag pa nito.

Sa kabila nito, malakas pa rin ang loob ni Tolentino para ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral at maging isang ganap na doktor.

“Hindi kami mayaman, pero may buo at malakas na loob ako para tapusin ang sinimulan ko,” ayon sa kaniya.

Dinagdag pa niya na walang imposible, at tibay at lakas ng loob na taglay ng isang tao ang magdadala sa kaniya sa tagumpay.

“Kapag gusto mo, magagawan ng paraan kahit na napaka-imposible. Persistence really pays off and success is always reachable if you really want it,” pagtatapos niya.

Si Tolentino ay kasalukuyang nag-aaral ng medisina sa AMEC – Bicol Christian College of Medicine sa Legazpi City.



Tags:

This page is maintained by the Governor's Office - Information Unit