Menu

Emergency Hotline: 0912-670-7777

Philippine Standard Time:

Catanduanes Government

Araw ng Kalayaan - Fig. 1

Bayani ng Viracnon. Isang paggawad ng pagkilala ang inihandog kay Lolo Sixto Timola Tenorio para sa dedikasyon at kapuri-puring pagganap niya sa kasarinlan ng Virac kasama sina Acting Gov. Shirley A. Abundo, PBM Raffy Zuniega, PBM Lorenzo Templonuevo, PBM Giovanni Balmadrid at PBM Arnel Turado noong ika-12 ng Hunyo sa Virac, Plaza Rizal.

Alinsunod sa ika-121 anibersaryong pagpupugay sa kasarinlan ng Pilipinas, binigyang diin ni Hon. Shirley A. Abundo, Acting Governor, ang esensya ng pagsasakripisyo bilang alay sa ating mga bayani at sagisag ng pagiging isang tapat na kawani ng gobyerno.

“Sa ngayong panahon, hindi naman na po siguro hinihingi na magbuwis tayo ng buhay para ipakita sa bansa kung gaano natin kamahal nito. Kundi ang bawat isang empleyado ng gobyerno, hinihingaan din po ng sakripisyo.”

“Walang tagumpay kung walang sakripisyo. Hangga’t nakikita niyo po na nagwawagayway ang ating bandila, sana maisapuso din po natin ang tunay na kahulugan ng kung ano po ang hinihingi sa atin,” pagbibigay linaw ni Hon. Abundo.

Araw ng Kalayaan - Fig. 2Watawat at Kasarinlan. Pinagunahan ng Catanduanes Cultural Troupe ang pagwawagayway ng watawat ng Pilipinas simbolo ng sakripisyo at nasyonalismo nating mga Pilipino noong panahon ng pananakop.

Ipinukaw rin ng panauhing tagapagsalita Dr. Ramon Felipe A. Sarmiento, isang antropolohiyo at propesor sa Catanduanes State University, ang diwa ng nasyonalismo sa kasarinlan nating mga Pilipino.

Sa kanyang mensahe, ibinahagi niya ang tunay na kahulugan ng nasyonalismo, na “isang marubdob na pagtangi at pagpapanaig ng interes ng sariling bayan, bago ang interes sa ibang bayan,” at binigyang diin din niya ang dalawang puntong nagpapalalim sa diwa ng kasarinlan ng bansa.

 “Una, ang kalayaan ay kailangang patuloy na babantayan at iingatan kasi kung hindi, ito ay mawawala. Pangalawang punto: ang bunga ng kalayaan ay demokrasya at ang demokrasya ang paraan upang patuloy na umiral ang kalayaan.”

“Ang dalawang ito ay laging magkasabay. Ang kalayaan at demokrasya ay parehong kayamanan natin. Huwag natin itong wawaldasin, gamitin natin sa tama dahil ang mga ito ang susi sa isang maayos at maunlad na pamumuhay,” pagpapa-unawa ni Dr. Sarmiento sa kanyang mga tagapakinig.

Araw ng Kalayaan - Fig. 3Ginawaran ng sertipiko ng pagkilala si Dr. Ramon Felipe Sarmiento, Propesor at Paunang Tagapagsalita, sa kanyang makabuluhan at punto por puntong talumpati sa katatapos na selebrasyon ng ika-121 anibersaryo ng kasarinlan ng Pilpinas.

Binigyan din ng pagpupugay ang beteranong bayani ng digmaan na si Lolo Sixto Timola Tenorio sa kanyang dedikasyon at kapuri-puring pakikipaglaban sa kalayaan ng Virac noong araw.

Sa pangunguna ng sandatahang lakas, kasama ang iba’t ibang lokal na sangay at kawani ng gobyerno, ipinagdiwang ang anibersaryo sa pagbibigay-pugay sa watawat ng Pilipinas. Binigyang buhay rin ng mga piling mag-aaral mula sa San Andres Vocational School at Virac Pilot Elementary School ang kasarinlan ng Pilipinas sa pamamagitan ng malikhaing pagsasadula.

Ang okasyon ay alinsunod sa tema ng selebrasyon, “Kalayaan 2019: Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Bagong Kinabukasan.”

 



Tags:

This page is maintained by the Governor's Office - Information Unit