Menu

Emergency Hotline: 0912-670-7777

Philippine Standard Time:

Catanduanes Government

SUPPORT LOCAL. Ibinida ng Ody’s Homecraft ang kanilang sariling disenyo ng facemask na tinatampok ang handmade abaca paper bilang pangunahing materyal. Ang facemask na ito ay mabibili sa halagang P18 lamang. Photo Credits: DTI Catanduanes

Walang humpay ang pagpapanday sa industriya ng abaca sa Catanduanes sa layuning matiyak ang kaligtasang panlahat, at mapayabong pa ang tila nanunuyot nitong ekonomiya bunsod ng apat na buwang community quarantine.

PRODUKTONG LOKAL

Nitong Hunyo lamang, nag-trending sa Facebook ang reusable facemasks na dinisenyo’t ginawa ng mga handicraft-maker at dressmaker sa probinsiya; at imbis na tela, papel na gawa sa balat ng puno ng abaca ang pangunahing materyal nito.

Ayon kay Teresita Sebastian, may-ari ng Ody’s Homecraft, hindi niya inaasahan na bubuhos agad ang orders at katanungan tungkol sa nasabing mask noong araw na ipinost sa Facebook ang mga litrato nito.

“Dai talaga akong plano kaan maggibo. Ngudi, ‘pag luwas sa Department of Trade and Industry (DTI), sunod-sunod na. Facebook, Messenger, messages, pagkadinakol,” wika ni Sebastian nang ihayag niya kung paano nagsimula ang paggawa nila ng handmade abaca facemasks.

Dagdag pa niya na mula nang makilala ang facemasks nila, maraming orders na rin ang kanilang tinaggap at tinanggihan. Sa katunayan, sumobra na sa 500 facemasks ang kanilang naibenta sa ngayon.

SUPORTANG LOKAL

Inilatag ng DTI ang mga plano sa pagpapalawak at pagpapalaki ng produksiyon ng handmade abaca facemasks sa probinsiya, isang produktong maikokonsidera bilang ‘necessity’ na may mataas na demand ngayong panahon ng pandemiya.

Ayon kay Daisy Tabirara, Senior Trade and Industry Development Specialist, nagkaroon na ng pulong ang mga miyembro ng Provincial Micro, Small, and Medium Enterprise Development Council (PMSMED) at napagkasunduang pansamantala munang ihihinto sa paggawa ng kanilang mga produkto ang mga handicraft-makers sa isla upang makapag-focus at mas mapabilis ang paggawa ng abaca facemasks.

“Dai man gabenta an ibang products alog nin furniture kasi dai man kaipuhan nin tawo. Specially ta naapektuhan ang income sources dahil sa COVID-19, ang priority ngunyan food asin medical supplies,” ayon kay Tabirara sa isang panayam.

Napag-usapan din sa nasabing pulong ang pakikipagtulungan sa mga pribadong sektor upang mas maging episyente ang produksiyon ng mga ito.

“An PLDC, nag-commit sinda na ma-supply sa Ody’s Homecraft ng abaca fiber. An TESDA (Technical Education and Skills Development Authority) man may sewing machines na pwede ipasubri sa mga mananahi nita,” dagdag ni Tabirara.

Katuwiran din ng DTI na may positibong epekto sa ekonomiya ng probinsiya ang ‘mass production’ ng abaca facemasks.

“Kapag naging wide-scale na ang production asin gapaladakula na ang demand, mas dakol ang people na mahi-hire, so mabo-boost ang income sources ng bawat saro,” ayon kay Tabirara.

Samantala, hinihintay na lamang ni Sebastian ang pagdating ng apat (4) na sewing machines, na nagkakahalaga ng P6000 ang isa, na kanilang ipinundar upang ipamigay sa mga mananahing tutulong sa produksiyon ng facemasks.

Ang Ody’s Homecraft na rin ang sasagot sa gagamiting abaca paper ng mga mananahi.

“Ang salong makina, sa sarong factory worker sa Simamla, igwa man akong ipasubrian sa Valencia. Basta gabos na papel, hari samuya,” wika ni Sebastian. “Hands-on ako sa paggibo asin pagbanlaw nin papel ta mabusisi ‘yan.”

Inamin din ni Sebastian na ang dahilan kung bakit nasa halagang P18 lamang isang presyo ng isang pirasong facemask ay para sa magkaroon ng resellers, at mabigyan niya rin ng pagkakakitaan ang mga ito.

“An reason ko, para magkaigwa nin resellers, para yung mga tawong dai nin trabaho, magkaigwa nin hanapbuhay,” ayon kay Sebastian. “Iabot ‘ta sa pinakahababang presyo para maabot din ng iba.”

Ibinunyag naman ng Philippine Fiber Development Authority na continuous, o tuloy-tuloy ang pagsasaka at produksiyon ng abaca sa Catanduanes hanggang ngayon.

Ayon kay Provincial Fiber Officer Leo Sabalas, mayroon ng sapat na abaca ang probinsiya upang ma-suplay-an ang mga handicraft-makers na gumagawa ng nasabing facemasks.

PAGLILINAW NG DOST

Pinabulaanan naman ng Department of Science and Technology (DOST) – Catanduanes ang balitang pitong beses na mas epektibo ang filtering capacity ng abaca facemasks mula Mindanao kung ikukumpara sa medical-grade masks tulad ng surgical at N95 masks.

Ayon kay Engr. Marie Grace Molina, Science Research Specialist ng nasabing sangay, tanging microscopy at laboratory-modified water drop tests lamang ang isinagawa ng DOST-Region X, at hindi ito sapat upang mapatunayan ang filtration efficiency ng handmade abaca facemasks.

“Hindi siya enough na study or laboratory test to claim na ‘yung handmade abaca paper mask is seven times better,” pagpapatibay ni Molina.

Nakasaad naman sa resulta ng simple water drop test na hindi water repellent ang abaca facemasks. Sa isinagawang laboratory-modified water drop test, mas mababa ang water absorbency ng surgical mask (0.17 porsyento) kumpara sa handmade abaca facemask (3-5 porsyento).

“Ang conclusion ng study, nag-absorb yung Abaca handmade paper ng 3-5 percent while N95 mask, 46 percent. However, yung surgical mask, absorbed 0.17 percent. Pinakamababa ang absorption capacity ng surgical mask,” ayon kay Molina.

Bagama’t aminado si Molina na malaki ang potensiyal ng abaca bilang facemask, kailangan pang magsagawa ng ibang pag-aaral at test upang maabot nito ang standards at parameters na magpapatunay na medical-grade ang produktong ito.

“If we are going to explore the potentials of the abaca handmade paper mask, we have to set parameters, and exact specifications ng papel. Mas maganda if we can have our products tested sa DOST-PTRI (DOST-Philippine Textile Research Institute),” mungkahi ni Molina.

Sang-ayon naman sa suhestiyon na ito ang DTI at ang Ody’s Homecraft. Upang mas mapabuti ang kalidad ng masks, Abaca fibers na mismo, at hindi na balat ng puno nito ang gagamitin bilang materyal ng abaca paper.

Handa naman ang Ody’s Homecraft na makipagtulungan sa DOST upang maipa-test ang kanilang mga produkto upang maisa-alang-alang ang kaligtasan ng mga bibili nito.

“May nag-order sako na taga-Dubai. Dai man garing makapadala kasi daing papers na maipe-present na medically approved ang masks nita,” ayon sa Sebastian.

Sa ngayon, ‘wear at your own risk’ muna ang maipapayo ng DOST sa mga bibili nito habang hindi pa naaprubahan bilang medical-grade ang facemasks na gawa sa abaca.

“While we are earning, let us not forget na public health ang nakasalalay dito. I-standardize natin, then kapag okay na talaga siya, we will, of course, support the industry,” wika ni Molina.

 



Tags:

Abaca Abaca Mask Boboy Cua DTI Catanduanes Governor Joseph Governor Joseph Cua Joseph Boboy Cua Joseph Cua
This page is maintained by the Governor's Office - Information Unit